MANILA, Philippines — Mag-uunahan ang Petron Blaze Spikers at F2 Logistics na makalapit sa kampeonato sa paglarga ng Philippine Superliga Invitational Conference best-of-three finals ngayong gabi sa The Arena sa San Juan City.
Papalo ang Game 1 ng serye sa alas-7 habang magtutuos naman ang Smart-Army at Cignal sa battle-for-third match sa alas-4:15 ng hapon.
Ito ang ikaapat na sunod na paghaharap ng Blaze Spikers at Cargo Movers sa finals.
Huling nagharap ang Petron at F2 Logistics sa finals ng Grand Prix noong Mayo kung saan nagwagi ang Blaze Spikers sa finals series sa pamamagitan ng 2-1 desisyon.
“Definitely, it will be a great match-up. It all boils down to the heart of the players because both teams are good skill-wise and the coaches have their respective game plans,” wika ni Petron head coach Shaq Delos Santos.
Tinamaan ng dagok ang Blaze Spikers nang magtamo ng shin injury si top hitter Frances Molina na pormal nang tinanggal sa national team na sasabak sa Asian Games sa Indonesia sa susunod na buwan.
Gayunpaman, pipilitin pa rin ni Molina na makalaro sa finals ngunit magiging limitado ang playing time nito ayon kay Delos Santos.
“Ces is hurt, but she’s ready to go. She’s a fighter. She knows that this is already the finals where you have to go out and give everything you’ve got. I’m sure she will still give her best in this series before sitting out to get some rest and have her injury treated,” ani Delos Santos.
Malalim ang bench ng Petron at handa sina outside hitters Sisi Rondina at Bernadeth Pons na punan ang puwesto ni Molina. Nariyan pa si Carmela Tunay na handa ring magbigay ng puntos sa oras na kailanganin ito.
Kukuha rin ng lakas ang Blaze Spikers kina Mika Reyes, Rhea Dimaculangan, Remy Palma at Aiza Maizo-Pontillas.
Sa kabilang banda, gigil ang Cargo Movers na makabawi sa pagkakataong ito matapos maagaw ng Blaze Spikers ang kanilang Grand Prix title.
Aasahan nito sina veterans Cha Cruz-Behag, Ara Galang, Aby Maraño at Kim Fajardo kasama sina Dawn Macandili, Kianna Dy at Majoy Baron.