MANILA, Philippines — Napanatili ng San Juan Knights ang malinis na kartada matapos magwagi laban sa Caloocan Supremos, 81-77 sa pagpapatuloy ng Maharlika Pilipinas Basketball League Datu Cup noong Sabado ng gabi sa Caloocan Sports Complex.
Nagtala ang dating PBA standout na si Larry Rodriguez ng double-double performance sa kanyang 15 puntos at 11 rebounds para pangunahan ang ika-apat na sunod na panalo ng Knights (4-0) at tanging koponan sa Nothern Division na wala pang mantsa ang kartada.
Bukod kay Rodriguez, umani rin ng 12 puntos si Samboy de Leon para sa tropa ni coach Randy Alcantara.
Sa iba pang laro, pinadapa ng Valenzuela Classics ang Anta Rajah Cup champion Batangas Athletics, 78-66 para masungkit ang kanilang ikalawang panalo sa apat na laro.
“We tried to be quick, be more active on defense. We thought of nothing except Batangas City for the past eight days. Beating those guys was a remarkable feeling,” ani Valenzuela coach Chris Gavina.
Pinangunahan ni Chris de Chavez ang Classics sa kanyang 22 puntos habang si Bong Galanza ay tumulong din ng 12 puntos.
Dahil sa mahigpit na depensa, nalimitahan ng Valenzuela ang Batangas Athletics sa 32 porsyento sa shooting sa field sa 22-of-68 attempts at nalimitahan din ang Batangas top shooters na si Jhaymo Eguilos sa walong puntos lamang sa buong laro. (FC)