Suntok ni Jerwin minaliit ni Villamor
REDONDO BEACH, Ca.-- Dalawang suntok lang daw ang alam ni IBF superflyweight champion Jerwin Ancajas, ayon sa trainer ni challenger Jonas Sultan na si Edito Villamor.
Pero, ayaw na itong patulan pa ni Joven Jimenez, trainer/manager ni Ancajas.
Sa halip, ipinauubaya na lang niya kay Ancajas ang mga sagot sa gabi ng laban sa Mayo 26 sa Save Mart Center sa Fresno, tatlong oras na biyahe mula rito.
“No comment po ako,” wika ni Jimenez. “Alam na po ni Jerwin ang gagawin sa laban at bahala na po ang Diyos sa amin.”
Kamakalawa ay inihayag ni Villamor na bagama’t magaling na boksingero si Ancajas, may nasilip silang kahinaan nito at iyon aniya ang kanilang pinag-aralan.
“Magaling naman si Jerwin kaya lang hindi naman siya pressure fighter. Isa lang ang suntok, dalawa, isa. Kaya, sana ma-deliver ni Jonas ung game plan gaya sa laban kina Casimero at Jaro,” ani Villamor.
Samantala, kahit araw ng Linggo ay hindi nagpahinga si Ancajas. Matapos magpapawis sa umaga, kinagabihan ay nag-ensayo pa rin ito.
“Light, light lang po, buti na ‘yung nakakasiguro tayo sa kundisyon,” ani Jimenez na katuwang sa training ni Ancajas sina Mark Barriga, Delfin Boholst at former amateur standout Bobby Jalnaiz.
Ito ang ikalimang title defense ni Ancajas sapul nang masikwat ang korona noong 2016 laban kay McJoe Arroyo ng Puerto Rico.
Samantala, nakatakdang bumiyahe pa-Fresno ang Team Ancajas at Team Sultan sa Lunes (Martes sa Manila). (VTRomano)
Related video:
- Latest