Pringle isinalba ang B. Pier

Sinupalpal ni Globalport import Malcolm White si Meralco reinforcement Arinze Onuaku sa aksyong ito sa PBA Commissioner’s Cup.

MANILA, Philippines — Gumawa lamang si Stanley Pringle ng 4 points sa first hanggang third quarter.

“In the first three quarters I didn’t find my rhythm. But my teammates and they coaches kept telling me to don’t worry and keep shooting and keep finding my shots,” sabi ni Pringle.

Humugot ang Fil-Am guard ng 13 sa kanyang 17 points sa final canto para pamunuan ang Globalport sa 86-85 pagtakas laban sa Meralco sa 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Big Dome.

Nagdagdag si Pringle ng 7 rebounds at 3 assists  habang umiskor si import Malcolm White ng 27 mar­kers para sa unang panalo ng Batang Pier, nagmula sa 114-128 pagkatalo sa TNT Katropang Texters noong Linggo.

“A win is a win, we’ll take it. I commend the last group,” ani coach Pido Ja­rencio, nakahugot kay Sean Anthony ng 15 points.

Hindi naman nasundan ng  Bolts ni mentor Norman Black ang 116-103 panalo laban sa Columbian Dyip.

Binanderahan ni Niño Canaleta ang Meralco mula sa kanyang 28 points kasunod ang 21 markers ni import Arinze Onuaku

Mula sa one-point deficit, 44-45 sa halftime ay  inangkin ng Bolts ang 61-53 abante mula sa split ni guard Anjo Caram sa 3:14 minuto ng third period bago humataw ang Batang Pier ng 14-2 atake para ilista ang 67-65 bentahe sa fourth quarter.

Ang tirada ni Chris Newsome ang huling nagdikit sa Meralco sa nalalabing 42 segundo kasunod ang split ni Pringle para sa 84-82 bentahe ng Globalport sa huling 14.3 segundo.

Kapos naman ang ibinatong three-point shot ni Jared Dillinger sa posesyon ng Bolts na nagresulta sa dalawang freethrows ni Pringle sa natitirang 2.9 segundo ng bakbakan. 

Samantala, katulad ng dapat asahan, pinatawan ni PBA Commissioner Willie Marcial si TNT Katropa scoring guard  Terrence Romeo ng multang P25,000 kahapon.

Ito ay dahil sa matatalim na komento ni Romeo sa mga referees matapos ang 128-114 paggiba ng Tropang Texters sa dati niyang koponang Globalport Batang Pier sa pagbubukas ng 2018 PBA Commissioner’s Cup noong Linggo.

Tinawagan ng referee si Romeo ng dalawang sunod na dribbling violation sa fourth quarter na hindi inireklamo ng three-time PBA scoring champion.

Show comments