James, Korver nagsanib-puwersa
INDIANAPOLIS-- Si LeBron James ang kinikilalang first-round king sa nakaraang 12 taon.
Ngunit kinailangan niya ang magandang three-point shooting ni veteran Kyle Korver para ipagpatuloy ang kanyang pamamayagpag.
Nagsanib sina James at Korver sa pinakawalang 10-2 atake ng Cleveland para kunin ang 104-100 panalo laban sa Indiana at itabla sa 2-2 ang kanilang first-round playoff series.
“You don't ever want to go down 3-1 against anybody, no matter if it's the first round or if you're fortunate enough to get all the way to the finals,” sabi ni James.
Tumapos si James na may 32 points, 13 rebounds, 7 assists at ipinoste ang ika-100 career playoff game na nakaiskor siya ng higit sa 30 points, ang ikalawang all-time matapos si Michael Jordan.
Sinimulan ni James ang playoffs bitbit ang NBA-record na 21-game winning streak sa first round.
Kinuha ng Pacers ang 93-91 abante sa huling 4:28 minuto ng fourth quarter bago nagtuwang sina James at Korver para ibigay sa Cavaliers ang 101-95 bentahe sa huling 1:52 minuto ng labanan.
Nagtala si Korver ng 18 points kasama ang apat na triples para sa pang-200 sa kanyang postseason career.
Sa San Antonio, umiskor ang 40-anyos na si Manu Ginobili ng 10 sa kanyang 16 points sa fourth quarter para tulungan ang Spurs na talunin ang Golden State Warriors, 103-90 at makaiwas sa sweep.
Sa kanyang ika-16 season sa NBA ay bumangon si Ginobili mula sa kabiguang makaiskor sa pagkatalo ng San Antonio sa Golden State sa Game Three.
Kumamada naman si Kevin Durant ng 34 points at 13 rebounds para sa Golden State na maaaring tapusin ang San Antonio sa pamamagitan ng panalo sa Game Five sa Miyerkules (Manila time).
Sa Milwaukee, umiskor si Giannis Antetokounmpo ng 27 points para iligtas ang Bucks laban sa Boston Celtics, 104-102 at itabla sa 2-2 ang kanilang serye.
Ang tip in ng 6-foot-11 na si Antetokounmpo sa natitirang limang segundo ang naglusot sa Milwaukee kontra sa Boston.
Sa Washington, bumandera si John Wall sa dulo ng final canto matapos ma-foul out si Bradley Beal para akayin ang Wizards sa 106-98 paggiba sa Toronto Raptors at itabla sa 2-2 ang kanilang serye.
- Latest