King nagpasiklab agad
Columbian dyip tinambakan ang Blackwater
MANILA, Philippines — Kung may ‘King’ ang Cleveland Cavaliers, mayroon din ang Columbian Dyip
Ipinakilala ni Jerramy King ang kanyang sarili matapos kumamada ng 26 points para tulungan ang Columbian Dyip sa 126-98 paggupo sa Blackwater sa pagsisimula ng 2018 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Dinuplika ng Dyip, dating Kia Sorentos, ang kanilang isang panalo sa nakaraang 2018 PBA Philippine Cup laban sa Rain or Shine.
Nagpasabog ang Fil-Am guard na si King ng 30 points, tampok ang 5-of-11 shooting sa three-point range, para banderahan ang koponan ni head coach Ricky Dandan.
“It means a lot, I mean I love to play basketball and I’d like to thank my coach for trusting me,” sabi ng 27-anyos na si King, produkto ng Long Beach State at ang No. 36 overall pick ng NLEX noong 2015 PBA Draft bago kinuha ng Rain or Shine bilang free agent sa nakaraang season.
Nagdagdag naman si Fil-Am off guard Rashawn McCarthy ng 22 markers, 6 assists at 3 steals para sa Columbian Dyip, pumukol ng 13-of-37 sa 3-point range kumpara sa 3-of-22 ng Blackwater.
Matapos isara ang first half bitbit ang 59-55 abante, pinalobo ng Dyip ang kanilang bentahe sa 78-61 mula sa fastbreak slam dunk ni McCarthy sa 5:40 minuto ng third period.
Mula rito ay hindi na nakabangon ang Elite ni mentor Leo Isaac.
Nagdagdag si Carlo Lastimosa ng 14 points para sa Columbian Dyip kasunod ang tig-12 markers nina Eric Camson at Ronald Tubid at 9 ni import CJ Aiken.
Binanderahan naman ni balik-import Jarrid Famous ang Blackwater mula sa kanyang 35 points habang may 22 markers si Allein Maliksi.
Columbian Dyip 126 - King 30, McCarthy 22, Lastimosa 14, Camson 12, Tubid 12, Aiken 9, Celda 6, Corpuz 6, Khobuntin 6, Cahilig 5, Sara 4.
Blackwater 98 - Famous 35, Maliksi 22, Belo 11, Erram 8, Pinto 8, Marcelo 4, DiGregorio 2, Cruz 2, Sena 2, Palma 2, Jose 2, Sumang 0.
Quarterscores: 27-25: 59-55: 87-72: 126-98.
- Latest