WKF binawi ang pagkilala sa PKF

MANILA, Philippines — Pormal nang tinanggalan ng pagkilala ng World Karatedo Federation (WKF) ang Philippine Karatedo Federation (PKF) dahil sa kontrobersiyang kinasasakutan nito.

Mismong si WKF president Antonio Espinos ang nagpadala ng sulat kay PKF president Joey Romasanta na may petsang Abril 17.

Ibinase ng WKF ang desisyon sa ulat ni executive committee member Vincent Chen na siyang nag-imbestiga at kumalap ng mga impormasyon hinggil sa isyu ng PKF.

“We have reviewed all the evidences and research provided by our Executive Committee (EC) member. Mr. Vincent Chen, and the information provided by you and your federation, and the WKF EC has decided to withdraw the recognition of the PKF-NSA Inc. with immediate effect,” wika ni Espinos sa sulat.

Nakatakdang pagtibayin ang pagpapatalsik sa PKF sa gaganaping WKF Congress.

“Kindly note that the disaffiliation will be submitted to for ratification of the WKF Congress,” ayon sa sulat.

Tiniyak naman ni Espinos na bibigyan nito ng tsansa ang PKF na umapela ngunit diringgin na ito sa susunod na WKF Congress sa Nobyembre na gaganapin sa Madrid, Spain.

Pumutok ang isyu sa PKF noong nakaraang taon kung saan hindi umano nakarating sa mga atleta ang $1,800 allowance na inilabas ng Philippine Sports Commission para sa kanilang Europe training.

Show comments