Ahanmisi pinalakas ang tsansa ng Adamson sa semis
MANILA, Philippines — Matatag ang kapit ng Adamson University sa No. 3 spot sa UAAP Season 80 men’s basketball tournament.
Hawak ng Soaring Falcons ang 8-4 rekord kung saan isang panalo na lamang ang kailangan nito para pormal na masungkit ang tiket sa Final Four.
Lumakas din ang tsansa ng Adamson na makuha ang nalalabing twice-to-beat advantage sa semis.
At isa si Jerrick Ahanmisi sa pangunahing dahilan ng tagumpay ng Soaring Falcons na naghahangad na magarbong tapusin ang eliminasyon.
Nagtala ang Filipino-American guard ng average na 18.5 points sa dalawang laro para tanghaling UAAP Press Corps Player of the Week.
Kumana si Ahanmisi ng 21 puntos kalakip ang krusyal na basket sa huling sandali ng laro para kubrahin ng Adamson ang 75-70 panalo sa University of Santo Tomas noong Miyerkules.
Muling umariba si Ahanmisi nang hatakin nito ang Soaring Falcons sa 90-77 demolisyon laban naman sa National University kung saan nakalikom ito ng 16 points mula sa impresibong 4-of-8 shooting sa three-point area.
Sa kabila ng magandang takbo ng kanilang tropa, naniniwala si Ahanmisi na marami pang dapat matutunan ang kanilang tropa gaya ng pagkalusaw ng kanilang 28 puntos na kalamangan sa NU.
“I think we should learn from that. We should have not let them come back like that,” wika ni Ahanmisi.
Tinalo ni Ahanmisi sa pagkilala sina Paul Desiderio ng University of the Philippines, Ricci Rivero ng La Salle at Thirdy Ravena ng Ateneo de Manila University.
Umaasa si Ahanmisi na magtutuluy-tuloy ang magandang ratsada ng Soaring Falcons para maipormalisa ang kanilang pagpasok sa playoff kasama ang La Salle (10-2) at Ateneo (12-0).
- Latest