MANILA, Philippines - Tuloy ang grassroots development program ng Philippine Swimming League (PSL) sa pagtatanghal ng 120th National Series Motivational and Novice Swimming Championships sa Agosto 6 sa Diliman Preparatory School swimming pool sa Quezon City.
Layunin ng PSL na makadiskubre ng mga bago pang talentong hahasain at ilalaban sa mga susunod na international competitions na lalahukan ng asosasyon.
Kabilang sa mga pinaghahandaan ng PSL ang pagsabak sa SICC Invitational Swimming Championship sa Singapore, Hamilton Aquatics Swimming Meet sa United Arab Emirates at ang Tokyo Swimming Championship sa Japan.
Mahigit 500 tankers ang nagkumpirma na ng partisipasyon sa torneong kabilang ang mga pambato ng Cavite, Zambales, Parañaque, Pampanga, Quezon, Cavite, Bicol, Quezon City, Manila, Marikina at Baguio at iba pang tankers mula sa Visayas at Mindanao.
“This motivational program of the PSL helps a lot of coaches, parents and swimmers sustain their interest to continue to train, as they are very motivated as they keep on improving their times inch by inch in each competition and winning,” pahayag ni PSL President Susan Papa.
Paglalabanan ang gintong medalya sa 6-under, 7-year, 8-year, 9-year, 10-year, 11-year, 12-year, 13-year, 14-year at 15-over sa boys at girls kung saan ang mangungunang tankers sa bawat age band ay tatanggap ng tropeo bilang Most Outstanding Swimmer.
Nakalaan naman ang P3,000 para sa koponang makakalikom ng pinakamataas na puntos habang may P2,000 ang sesegunda at P1,000 naman sa tetersera.