MANILA, Philippines - Isang beteranong bowler at popular na bagitong basketball player ang nangungunang kandidato para maging flag bearer ng Pilipinas sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Agosto.
Ito ay sina bowling great Paeng Nepomuceno at cager Kobe Paras, ayon kay Chef de Mission Cynthia Carrion.
Si Nepomuceno ay nailagay sa Guinness World Records matapos maghari ng apat na beses sa bigating World Cup habang bagong miyembro naman si Paras ng Gilas Cadet.
Sinabi ni Carrion na magsisilbing inspirasyon si Nepomuceno, may anim na world titles, nailuklok sa Bowling Hall of Fame, ginawaran ng IOC President’s Trophy at FIQ Bowler of the Millennium, sa mga lalahok na atleta sa SEA Games.
Sinasalamin naman ni Paras, nakatakdang maglaro para sa Cal State Northridge at kumatawan sa bansa sa mga international age-group at 3x3 tournaments, ang maniningning na kinabukasan para sa mga Pinoy athletes.
Bukod kina Nepomuceno at Paras, ang iba pang nasa listahan ni Carrion para maging flag bearer sa SEAG ay sina Rio Olympians Kirstie Elaine Alora ng taekwondo at Eric Cray ng athletics at sina world-class cuemasters Dennis Orcollo at Chezka Centeno.
Nauna na ring napabilang sa grupo si Ian Lariba, ang unang Filipino na nag-qualify at naglaro sa Olympics, kundi lamang siya nagkaroon ng leukemia.
Magpapadala ang Team Philippines ng 480 atleta na sasabak sa 38 sports sa Malaysia SEAG.