MANILA, Philippines - Ipinagdiwang ang Filipino Heritage Night sa pamamagitan ng pagpaparangal ng Golden State Warriors kay Fil-American Raymond Townsend sa isang simpleng seremonya.
Ginawa ang nasabing pagpupugay kay Townsend, ang inang si Virginia Marella ay tubong Balayan, Batangas, sa halftime ng laro ng Warriors at Milwaukee Bucks.
Bago ang nasabing laro ay kinanta muna ni Martin Nievera ang Star Spangled Banner.
“It’s a great honor to be here tonight,” sabi ng 61-anyos na si Townsend, apat na seasons naglaro sa NBA at ang huli ay noong 1982 para sa Indiana Pacers.
Si Townsend ang kasalukuyang youth sports development coordinator sa San Jose, California.
Ang 6-foot-3 na si Townsend ay kinuha ng Warriors bilang No. 22 pick noong 1978 NBA Draft matapos maglaro para sa UCLA.
Kinilala siyang UCLA Pilipino Alumni Association’s Distinguished Alumnus of the Year noong Mayo 2, 2009.
“I want to thank the Filipino-Americans, and I want to thank the Golden State Warriors for bringing the NBA game up close and personal to our culture,” wika ni Townsend. “I want to thank all my kababayans. You know we love basketball.”
Bago maglaro para sa UCLA Bruins ay kumampanya muna siya para sa Camden High School at Archbishop Mitty High School sa San Jose, California.
Bilang high school senior ay nagposte si Townsend ng average na 28 points a game para sa Camden High Cougars kung saan wala pang ipinatutupad na three-point shot.
Naging miyembro siya ng 1975 UCLA Basketball National Championship team ni legendary coach John Wooden at napasama sa first-team All-Pac-8 noong 1978.
Nakilahok din sa Filipino Heritage Night si Fil-Am head coach Erik Spoelstra ng Miami Heat.
Nagsuot ang mga Warriors at Heat players ng specially designed Filipino Heritage Week shirts sa kanilang warm-ups bilang bahagi ng nasabing pagdiriwang.