Valdez mainit na tinanggap sa Thailand
MANILA, Philippines - Mainit ang pagtanggap kay three-time UAAP MVP Alyssa Valdez ng 3BB Nakornnont na siyang magiging bagong kapamilya nito sa Thailand Volleyball League.
Pormal nang binigyan ng jersey si Valdez ng pamunuan ng 3BB Nakornnont kung saan bibitbitin niya ang No. 9 na kanyang dating jersey number sa high school noong naglalaro pa ito sa University of Santo Tomas.
Ngunit mas nakilala si Valdez sa jersey No. 2 na siyang numerong ginamit nito sa UAAP at sa ilang kumperensiya ng Shakey’s V-League.
Masusubukan ang tikas ni Valdez sa pagsabak ng 3BB Nakornnont laban sa King Bangkok sa Enero 29.
Makakasama ni Valdez sa 3BB Nakornnont sina outside hitter Kanjana Kuthaisong at setter Natthanicha Jaisaen na naging imports ng Bureau of Customs sa nakalipas na Shakey’s V-League Reinforced Conference kung saan tumapos bilang runner-up ang Transformers.
Kasama rin sa 3BB si team captain Tichaya Boonlert na naging bahagi naman ng Philippine Superliga Selection na sumabak sa 2016 FIVB Women’s Club World Championship na ginanap sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magugunitang naghari na ang 3BB sa Thailand League noong 2011-2012 habang runner-up naman ito noong 2012-2013. Sa Thai-Denmark Super League, nagtapos bilang runner-up ang 3BB noong nakaraang taon.
Tiwala ang pamunuan ng 3BB sa kakayahan ni Valdez na inaasahang malaki ang maitutulong sa kanilang tangkang maibalik ang kampeonato sa kanilang teritoryo.
Nakatakdang bumalik sa Pilipinas si Valdez sa Pebrero upang lumahok sa isasagawang tryout ng Larong Volleyball sa Pilipinas Inc. para sa bubuuing women’s national team sa 29th Southeast Asian Games.
- Latest