Laro sa Linggo
(Philsports Arena)
1 pm F2 Logistics vs Cignal
3 pm RC Cola-Army vs Generika
MANILA, Philippines - Naipako ng nagdedepensang Foton ang 22-25, 25-18, 25-22, 25-14 panalo laban sa Petron upang kubrahin ang top seeding sa semifinals ng 2016 Philippine Superliga Grand Prix women’s volleyball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Umangat sa 9-1 baraha ang Tornadoes habang nagkasya sa No. 2 spot ang Tri-Activ Spikers na nalaglag sa 8-2 marka.
Ito ang ikalawang panalo ng Foton laban sa Petron sa kumperensiyang ito.
Nagwagi rin ang Tornadoes sa kanilang unang pagtatagpo noong Nobyembre 8 sa iskor na 25-18, 23-25, 25-14, 19-25, 15-13.
Nauna rito, magarbong tinapos ng RC Cola-Army ang eliminasyon nang ratratin nito ang Cignal sa pamamagitan ng 25-16, 25-9, 25-23 desisyon.
Pinangunahan ni FIVB Women’s World Championship veteran Jovelyn Gonzaga ang pagmartsa ng Lady Troopers nang magposte ito ng 17 puntos mula sa 15 attacks at dalawang aces habang malakas na puwersa rin ang ibinigay ni Honey Royse Tubino na naglista ng 10 hits.
“Alam kong kailangan ako ng team ko kaya hindi ko na lang inisip yung sakit ko. Hindi ko sila kayang pabayaan lalo na sa stage ng tournament na positioning kami sa ranking,” ani Gonzaga na may iniindang ubo.
Nagdagdag naman si import Kierra Holst at Genie Sabas ng tig-limang puntos habang may tig-apat sina Rachel Anne Daquis at Hailie Rose Ripley para sa RC Cola-Army.
Inilatag ng Lady Troopers ang solidong atake matapos kumana ng 39 kills kumpara sa 26 ng HD Spikers. Nakakuha rin ang RC Cola-Army ng walong aces at 19 excellent sets mula kay Tina Salak.
Tinapos ng Lady Troopers ang eliminasyon tangan ang 3-6 marka habang nahulog sa 1-9 baraha ang HD Spikers na tunay na ramdam ang pagkawala ni Puerto Rican import Lynda Morales.
Tanging tig-pitong puntos lamang ang nakuha nina Laura Schaudt at Janine Marciano habang lima naman mula kay Paneng Mercado.