4-peat dale ng NU Pep Squad
MANILA, Philippines – Matagumpay na naisakatuparan ng National University Pep Squad ang matamis na four-peat matapos ang impresibong ipinamalas nito kahapon sa UAAP Cheerdance Competition sa Smart Araneta Coliseum.
Nakalikom ang NU Pep Squad ng 711 puntos mula sa 370 sa dance, 89 sa tumbling, 87 sa stunts, 84 sa pyramids at 82 sa tosses kung saan isang puntos lamang ang nagawa nitong penalities/deductions.
“Gusto naming patunayan sa tao na kaya namin. Kaya kami nandito (bilang kampeon) kasi ibinibigay namin ang best namin. Yung four-peat kini-claim namin yun talaga kasi alam namin ang kakayahan namin, yung kaya naming ipakita,” wika ni NU coach Ghika Bernabe.
Napasakamay ng Bulldogs ang tumataginting na P340,000 premyo.
“Talagang mahirap ang training namin and we’re happy na nagbunga ang pagsisikap namin. Our team is fearless,” dagdag ni Bernabe.
Nagkasaya sa ikalawang puwesto ang Far Eastern University Cheering Squad na naglista ng 658.5 puntos para maibulsa ang sa P200,000 premyo habang pumangatlo ang Adamson University Pep Squad na may 655 puntos para naman sa P140,000 konsolasyon.
Pumang-apat lamang ang University of Santo Tomas Salinggawi Dance Troupe na may 650 puntos kasunod ang University of the East Pep Squad (645), De La Salle University Animo Squad (560.5) at ang Ateneo de Manila University Blue Babble Battalion (512).
Nakumpleto ng NU Pep Squad ang sweep nang angkinin din nito ang korona sa Group Stunts.
Nasa ikalawa ang UST Salinggawi Dance Troupe habang ikatlo ang FEU Cheering Squad.
Binigyan din ang NU ng Over-the-Top Pyramid award gayundin ng Best Toss award.
Isang korona na lamang ang kinakailangan ng NU Pep Squad upang pantayan ang five-peat ng UST Salinggawi Dance Troupe na naitala noong 2002 hanggang 2006 edisyon.
Sa kabuuan, nasa ikatlong puwesto ang NU sa ranking habang magkasalo sa No. 1 spot ang UST at University of the Philipines Pep Squad na parehong may walong titulo.
Ngunit hindi lumahok sa taong ito ang UP Pep Squad bilang protesta sa hindi malinaw na pagtugon ng mga organizers sa kanilang inihaing protesta noong nakaraang taon.
“UP is very competitive kaya nakakapanghinayang na hindi sila kasali this year kasi eight schools ang UAAP kaya sayang na wala sila,” ani Bernabe.
- Latest