Gumising ang mundo ng Philippine sports nung Sabado ng umaga sa balitang pumanaw na ang batikang sports commentator na si Ronnie Nathanielsz.
Sino ba ang hindi makakakilala kay Ronnie?
Sa tagal ba naman niyang na-involve sa sports, mula nang siya ay manirahan sa Pilipinas mula sa kanyang kinagisnan na Sri Lanka nung 1960s, ay naging bahagi na siya nito.
Nung 1975 naging bahagi siya ng higanteng laban nina Muhammad Ali at Joe Frazier sa Araneta Coliseum na binansagang “Thrilla in Manila” bilang media officer ng kampo ni Ali.
Naging bahagi rin si Ronnie ng PBA mula sa mga unang taon nito.
Hanggang sa mga huling araw niya, laman ng PBA si Ronnie.
Nasaksihan din niya ang mga laban ni Flash Elorde at ang pagsikat ni Manny Pacquiao sa boxing program na “Blow by Blow.”
Naging bahagi rin siya ng coverage sa mga careers nina Brian Viloria, Nonito Donaire, Donnie Nietes at ng iba pa nating mga boxing champions.
Medyo matagal na rin may iniinda si Ronnie kaya tuwing tatanungin natin siya kung bakit hindi siya pumupunta sa mga laban ni Pacquiao sa Amerika ay dahil pinagbawalan na raw siya ng doctor niya na bumiyahe sa malalayong lugar.
Sinunod naman ito ni Ronnie na mahilig tawagin ang mga malalapit sa kanya na “partner.”
Pero para sa laban ni Pacquiao kay Jessie Vargas nung Nov. 5 sa Las Vegas ay tinanggap niya ang trabaho na mag-cover sa ringside. Nasa San Francisco siya papunta sa Las Vegas ng atakihin sa puso.
Lumaban ng ilang araw si Ronnie habang nasa ICU sa isang ospital sa California at pumanaw siya anim na araw matapos talunin ni Pacquiao si Vargas.
Sa edad na 81, full life ang tinagal ni Ronnie sa mundong ito.
Paalam, Ronnie.