Irving, James isinalba ang Cavs sa Game 5
MANILA, Philippines – Buhay pa!
Hindi pumayag sina Lebron James at Kyrie Irving na magbakasyon na ang Cleveland Cavaliers matapos patahimikin ang defending champions Golden State Warriors, 112-97, sa Game 5 ng NBA Finals ngayong Martes ng umaga.
Gumawa ng kasaysayan sina James at Irving matapos umukit ng tig-41 points para makuha ang ikalawang panalo sa best of seven na serye, 2-3, sa Oracle Arena.
Ito ang kauna-unahan sa NBA Finals na mayroong magkakampi na umiskor ng higit 40 na puntos sa iisang laro upang matakpan ang magandang performance ni Klay Thompson, na nagtala ng 37 points, habang 25 markers naman ang back-to-back MVP Steph Curry.
Matinding opensa na sinahugan pa ng mahigpit na depensa ang ipinamalas ng Cavaliers para malimitahan ang field goal shooting ng Warriors sa 32-of-88 o 36.4 percent.
Naramdaman pa ng Golden State ang kawalan ni Draymond Green na nasuspinde matapos makuha ang ikaapat na flagrant foul sa kabuuan ng playoffs.
Lalong nawalan ng depensa naman ang defending champions nang magtamo ng injury si Andrew Bogut sa ikatlong quarter.
Babalik ang laro sa Quicken Loans Arena ng Cavaliers para sa Game 6 sa Biyernes, kung saan tangka nila na madala ang serye sa Game 7. Ngunit hindi ito magiging madali dahil babalik na si Green para sa Warriors.
Kahit sa kanilang home court gagawin ang laro ay hindi maaaring mapanatag ang Cleveland dahil nitong nakaraang taon ay sa harapan nila ibinulsa ng Warriors ang titulo.
- Latest