Bagong numbering system ipatutupad sa NCAA Season 92
MANILA, Philippines - Asahan ang mga kakaibang numero sa oras na magbukas ang basketball tournament ng National Collegiate Athletic Association Season 92.
Ito ay matapos ipatupad ng NCAA management committee ang bagong patakaran na maaari nang gumamit ng numero mula 00 hanggang 99 ang mga manlalaro simula sa Season 92 ng liga.
Ayon kay NCAA Management Committee chairman Jose Mari Lacson ng Season 92 host San Beda College, ang naturang aksiyon ay nakaayon base sa patakarang ipinatutupad ng International Basketball Federation.
“This is in line with the FIBA rules on jersey numbers and the NCAA will implement it this season,” ani Lacson.
Sa nakalipas na mga edisyon ng liga, tanging mga numero mula 4 hanggang 18 lamang ang maaaring gamitin sa jersey ng mga manlalaro.
Magandang balita ito partikular na sa mga koponang nagsasagawa ng pagreretiro ng mga jersey numbers.
Gaya ng San Beda na nakatakdang iretiro ang jersey No. 14 na dating pag-aari ni Filipino basketball great Carlos ‘Caloy’ Loyzaga na naglaro para sa Red Lions noong kanyang kapanahunan.
Magbubukas ang liga sa Hunyo 25 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City tampok ang engkuwentro ng nagdedepensang Colegio de San Juan de Letran at Season 91 runner-up San Beda sa alas-4 habang masisilayan ang pukpukan ng Jose Rizal University at Mapua Institute of Technology sa alas-2.
Magsisilbing commissioner ng basketball competition si Andy Jao.
Isang magarbong palabas naman ang inihahanda ng San Beda sa opening ceremony na magsisimula sa alas-12:30 ng hapon kung saan kinuha nito ang mahusay na sina Roxanne Lapus bilang choreographer at Douglas Nierras bilang direktor.
- Latest