MANILA, Philippines – Sisimulan ng Ateneo de Manila University ang tangka nitong three-peat sa pakikipagtuos sa National University ngayong hapon sa paglarga ng UAAP Season 78 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Magku-krus ang landas ng Lady Eagles at Lady Bulldogs sa alas-4 ng hapon.
Nais ni two-time Most Valuable Player Alyssa Valdez na magkaroon ng engrandeng pagtatapos ang kanyang collegiate career kaya’t inaasahang ibubuhos nito ang kanyang buong lakas upang maisakatuparan ang inaasam na tagumpay.
Ngunit hindi ito magagawa ni Valdez kung wala ang tulong nina Season 77 Finals MVP Amy Ahomiro, Joanna Maraguinot, Bea de Leon at setter Jia Morado habang muling gagabayan ang Lady Eagles ni Thai Anusorn “Tai” Bundit.
Sa kabilang banda, target ng Lady Bulldogs na tuldukan ang kanilang anim na dekadang pagkauhaw sa titulo.
Sasandalan ng tropa sina Jaja Santiago at Myla Pablo na naging miyembro ng women’s national team na naglaro sa Asian Under-23 Women’s Volleyball Championship noong nakaraang taon na ginanap sa Manila.
Aasahan din ng grupo si Ivy Perez na malaki ang natutunan sa kanyang paglalaro sa Philippine Superliga Grand Prix kung saan itinanghal itong Best Setter. Bahagi sina Santiago at Perez ng Foton Tornadoes na nagkampeon sa naturang kumperensiya.
“As of now, okay naman sila as a team. Kailangan lang naming maglaro ng tama, magtugma ang galaw ng spikers at setter namin para manalo,” wika ni NU head coach Roger Gorayeb na nagmamay-ari ng Grand Slam title sa Shakey’s V-League.
Magtatagpo naman sa unang laro sa alas-2 ang University of the Philippines at University of the East habang maghaharap sa men’s division ang Far Eastern University at UP sa alas-8 ng umaga kasunod ang duwelo ng Ateneo at University of Santo Tomas sa alas-10.