MANILA, Philippines – Magkakaalaman na kung anu-anong bansa ang maghaharap-harap sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa gaganaping drawing of lots bukas (ala-1:30 ng madaling araw sa Maynila) na idaraos sa House of Basketball sa Switzerland.
Dadalo sa naturang programa si Samahang Basketball ng Pilipinas executive director Sonny Barrios na siya ring makikipagpulong kay FIBA director of events Predrag Bogosevljev para sa pagtataguyod ng bansa ng FIBA Olympic Qualifying.
May 18 koponan ang hahataw sa naturang event.
Hahatiin ito sa tatlong grupo na siyang maglalaro sa iba’t ibang bansang tinukoy ng FIBA upang maging punong-abala-ang Pilipinas (Manila), Serbia (Belgrade) at Italy (Turin).
Walo ang mula sa Europa - ang France, Serbia, Turkey, Greece, Croatia, Italy, Latvia at Czech Republic; tatlo ang galing sa Asya - ang Pilipinas, Iran at Japan; tatlo rin sa Africa - ang Angola, Tunisia at Senegal; at isa sa Oceania - ang New Zealand.
Ang mangunguna sa tatlong hiwa-hiwalay na Olympic qualifying event ang siyang papasok sa 2016 Olympic Games na gaganapin sa Agosto sa Rio de Janeiro, Brazil.
Aminado si Barrios na matinding laban ang haharapin ng Gilas Pilipinas dahil hindi basta-basta ang mga koponang kasali sa Olympic qualifying.
“There are four countries in the Top 10 of the world ranking,” pahayag ni Barrios patungkol sa No. 5 France, No. 6 Serbia, No. 8 Turkey at No. 10 Greece.
May 12 koponan lamang ang maglalaro sa Rio Olympics. Sa kasalukuyan, siyam na bansa na ang nakasisiguro ng silya.
Ang defending champion United States, Australia, Nigeria, Venezuela, Argentina, Spain, Lithuania, China at host Brazil.