MANILA, Philippines – Natapos na ang ispekulasyon kung sino ang makakabili sa prangkisa ng Barako Bull, habang nagwakas na ang halos limang taon na paghihintay ng isang oil company para maging miyembro ng professional league.
Inaprubahan kahapon ng PBA Board ang pagbebenta ng prangkisa ng Barako Bull sa Phoenix Petroleum, isang Mindanao-based oil company.
Sa isang special board meeting ay inihayag ni PBA chairman at acting president at CEO Robert Non ng San Miguel Corp. na ang mga players at coaches na may kontrata pa sa Barako Bull ay tatanggapin ng bagong team owners.
Ang mga kasalukuyang players ng Energy ay sina Willy Wilson, JC Intal, Josh Urbiztondo, Mick Pennisi, Jeric Fortuna, Eman Monfort, Chico Lanete, Rodney Brondial, Mac Baracael at James Forrester.
Magiging pormal ang pagbili ng Phoenix sa prangkisa ng Barako Bull, nasa ilalim ng Lina Group of Companies, sa gagawing regular board meeting sa Enero 28 kung saan iimbitahan ang mga team owners ng nasabing oil company.
Unang nagsumite ng aplikasyon ang Phoenix para maging miyembro ng professional league limang taon na ang nakakalipas at hindi naaprubahan ang pagpasok sa PBA dahil sa ginagamit ng San Miguel Corp. ang banner ng Petron Blaze.
Ang isang franchise sale ay mangangailangan ng two-thirds votes ng mga miyembro ng 12-team local pro league.
Ang Barako Bull ay giniyahan nina coaches Junel Baculi, Bong Ramos, Rajko Toroman at Koy Banal na pare-parehong nabigong makakuha ng korona.