Collegiate Basketball Awards: Mahigpit ang labanan sa Smart Player of the Year

MANILA, Philippines – Isa sa Collegiate Mythical Team ang papangalanan bilang 2015 Smart Player of the Year sa gaganaping UAAP-NCAA Press Corps Collegiate Basketball Awards sa Enero 26 sa Saisaki-Kamayan sa Greenhills.

Ang Mythical Team ay binubuo nina UAAP Most Valuable Player Kiefer Ra­vena ng Ateneo de Manila University, NCAA MVP Allwell Oraeme ng Mapua Institute of Technology, Mac Belo ng Far Eastern University, Kevin Ferrer ng University of Santo Tomas at Scottie Thompson ng University of Perpetual Help System Dalta.

Sorpresang papangalanan ang 2015 Smart Player of the Year sa mismong awards night kung saan ang lahat ng nabanggit na manlalaro ay karapat-dapat sa naturang para­ngal matapos ang kanilang impresibong ipinamalas sa nakalipas na taon.

Nasungkit ni Ravena ang kanyang ikalawang su­nod na UAAP MVP award sa kanyang final season sa Ateneo habang si Oraeme ay itinanghal na MVP-Rookie of the Year. Dinala rin ni Oraeme ang Mapua sa unang NCAA Final Four appearance sapul noong 2010.

Engrande namang tinapos ni Belo ang kanyang collegiate career matapos tulungan ang FEU na makuha ang unang titulo nito mula noong 2005 at ika-20 korona sa liga.

Itinanghal ding Finals MVP si Belo.

Bagamat natalo sa finals, naging maganda rin ang ratsada ni Ferrer na tumapos sa ikalawang puwesto sa MVP race.

Kasama rin sa listahan ng mga pararangalan sina FEU mentor Nash Racela at Aldin Ayo, na dating coach ng Letran at kasalukuyang mentor ng La Salle, na gagawaran ng Coach of the Year awards.

Pasok din sina Roger Pogoy ng FEU at Kevin Racal ng Letran na siyang Pivotal Player awardees habang sina Baser Amer ng San Beda College, Mark Cruz ng Letran at Mike Tolomia ng FEU ang tatanggap ng Super Senior awards.

Show comments