MANILA, Philippines - Magpapatupad ng mahigpit na patakaran ang Games and Amusement Board sa mga pagtatanghal ng mixed martial arts events upang maiwasan ang anumang disgrasya at matiyak ang seguridad ng bawat atletang lumalaban.
Ito ang inihayag ni Pacific X-treme Combat (PXC) director for fight operations Robert San Diego matapos ang insidenteng naganap sa ONE Championship noong nakaraang taon kung saan namatay si Chinese fighter Yang Jiang Bing dahil sa kumplikasyon.
Nais ni Yang na umabot sa tamang timbang para sa kanilang laban subalit hindi kinaya ng kanyang katawan ang ginawang proseso kaya’t bumigay ito.
“I think now the GAB is going to be a little stricter in terms of cutting weight because of that incident. I would say that we at the PXC would comply to everything the GAB will implement, whatever they need, be it a CT scan, chest x-ray, we will make sure its done," ani San Diego sa pagbisita nito sa lingguhang PSA Forum sa Shakey’s Malate.
Sinabi ni San Diego na magsilbi aniyang aral ang naturang pangyayari upang hindi na ito maulit sa mga susunod na laban.
Lalarga ang bakbakan sa PXC-51 sa pagitan ng Pinoy fighters na sina Crisanto Pitpitunge at Jinel Lausa para sa bakanteng flyweight title sa Sabado na gaganapin sa Solaire Ballroom sa Pasay City.
Ipagtatanggol naman ni Kyle Aguon ng Guam ang kanyang bantamweight title laban kay South Korean Kawn Ho Kwak.