MANILA, Philippines – Isang 15-1 atake sa fourth quarter ang ginawa ng Alaska para angkinin ang 2-1 bentahe sa kanilang best-of-seven semifinals series.
Matapos maisuko ang itinayong 13-point lead sa first period ay nakabalik sa porma ang Aces sa final canto patungo sa 82-69 paggiba sa Globalport Batang Pier sa Game Three ng kanilang semisfinals showdown para sa 2015-2016 PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sinamantala ng Alaska ang pagkakasibak sa laro ni Globalport scoring guard Terrence Romeo sa 6:37 minuto ng fourth quarter.
Binanderahan ni Vic Manuel ang Aces mula sa kanyang 16 points, 6 rebounds at 2 shotblocks, habang nag-ambag ng 12 markers si RJ Jazul kasunod ang tig-10 nina JVee Casio at Chris Banchero.
Mula sa 13-point lead ng Alaska sa first period ay nakatabla ang Globalport sa third quarter, 53-53.
Huling napasakamay ng Batang Pier ang kalamangan sa 57-54 kasunod ang 15-1 bomba nina Manuel, Jazul at Dondon Hontiveros para sa 69-58 abanteng Aces sa 7:07 minuto ng final canto.
Nasibak sa laro si Romeo sa 6:37 minuto ng laro matapos matawagan ng kanyang ikalawang technical nang makipaggirian kay Jazul.
Sinelyuhan ni Banchero ang panalo ng Alaska nang isalpak ang kanyang dalawang free throws sa huling 1:44 minuto para sa 82-67 kalamangan sa Globalport.
Alaska 82 - Manuel 16, Jazul 12, Banchero 10, Casio 10, Abueva 9, Hontiveros 9, Exciminiano 4, Baguio 3, Menk 3, Baclao 2, Dela Cruz 2, Thoss 2, Dela Rosa 0.
Globalport 69 - Romeo 17, Pringle 12, Kramer 11, Washington 7, Sumang 6, Yeo 6, Jensen 5, Maierhofer 5, Mamaril 0, Peña 0, Semerad 0, Uyloan 0.
Quarterscores: 26-13; 36-26; 53-53; 82-69.