Para Games medalists matatanggap na ang insentibo

MANILA, Philippines – Magiging maganda ang pagbubukas ng taon para sa mga differently-abled athletes na nakasungkit ng medalya sa nakalipas na 2015 Asean Para Games na ginanap sa Singapore matapos ihayag ng Philippine Sports Commission (PSC) na nakatakdang ipamahagi ang insentibo sa Enero.

Mahigit P6 milyon na kukunin sa pondo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation ang ipamimigay para sa mga atletang nagsikap upang bigyan ng kara­ngalan ang bansa sa naturang biennial meet.

Base sa Republic Act10669 o mas kilala sa tawag na Sports Incentives Act, ang mga atletang nakasungkit ng ginto ay tatanggap ng P150,000 habang may P75,000 naman ang naka-pilak at P30,000 sa naka-tanso.

Makakakuha naman ng hiwalay na 50 porsiyento ang mga coaches base sa natanggap ng kanyang inaalagang atleta na nag-uwi ng medalya.

Malaki ang pasasalamat ng mga differently-abled athletes dahil kasama na ngayon ang mga ito sa mga binibigyan ng insentibo hindi tulad sa dating batas na RA 9064.

Nag-uwi ng kabuuang 16 ginto, 17 pilak at 26 tansong medalya ang Pilipinas sa Asean Para Games, sapat sa ikapitong puwesto.

Nangunguna sa may malaking matatanggap si swimmer Ernie Gawilan na nakasiguro ng dalawang ginto at isang pilak.  Nakasiguro rin si Gawilan ng tiket sa 2016 Paralympic Games na gaganapin sa Rio de Janeiro, Brazil matapos ang kanyang impresibong langoy sa 400m freestyle at 100m freestyle.

Show comments