MANILA, Philippines – Back-to-zero ang serye ng University of Santo Tomas at Far Eastern University kaya’t asahan ang mas pisikalang laro sa do-or-die game ng University Athletic Association of the Philippines Season 78 men’s basketball best-of-three championship series.
Ito ang inihayag ni UST head coach Bong Dela Cruz matapos maitabla ng kanyang bataan ang serye sa pamamagitan ng 62-56 panalo kontra sa FEU sa Game 2 noong Sabado.
Ang naturang panalo ang nagsilbing matamis na pagresbak ng Growling Tigers makaraang yumuko ang mga ito sa Game 1, 64-75.
Bagamat pumanig sa kanilang teritoryo ang momento, sinabi ni Dela Cruz na walang puwang ang pahinga sa pagkakataong ito kaya’t balik ensayo agad ang kanyang tropa upang matiyak na handang-handa ang mga ito sa usaping pisikal at mental bago sumabak sa pinaka-importanteng giyerang kanilang haharapin sa taong ito.
“Game 3 will be very physical. Mental toughness kaya dapat handa kami. Yung mga bata palaban talaga,” ani Dela Cruz.
Nagdeklara si Finals Most Valuable Player candidate Kevin Ferrer na ibubuhos na nito ang kanyang huling lakas upang magkaroon ng magarbong pagtatapos ang kaniyang karera sa liga.
“All out na. Isang game na lang kaya ibibigay na namin ang lahat,” sambit ni Ferrer na siyang pangunahing sinandalan ng Growling Tigers sa kanilang panalo sa Game 2 kung saan humataw ito ng 29 puntos tampok ang anim na three-pointers.
Kailangan lang ng UST na mapanatili ang mataas na intensidad nito partikular na ang mga beteranong sina Karim Abdul, Ed Daquioag at Louie Vigil para maisakatuparan ang kanilang inaasam na kampeonato.
Kung magwawagi ang UST, mapapantayan nito ang FEU sa unahan ng listahan bilang winningest team sa liga hawak ang 19 korona.