MANILA, Philippines – Umiskor ng magkahiwalay na panalo ang rookies na sina Divine Wally ng Baguio City at Arnel Mandal ng Iloilo City sa kani-kanilang kalaban para ibigay sa Pilipinas ang gintong medalya sa biennial meet ng 13th World Wushu Championship sa Jakarta, Indonesia.
Ginapi ng 19-anyos na si Wally, silver medalist sa seventh Asian Junior Championships at SEA Games, si Luan Thi Hoang ng Vietnam upang dominahin ang 48th kg division at maging kauna-unahang Pinay na nagwagi ng ginto sa naturang event.
Kumubra ang 20-anyos na si Mandal ng panalo laban kay Uchit Sharma ng India at agawin ang ginto sa 52kg category.
Ibinigay naman ni Agatha Khrystenzen Wong ng Quezon City ang unang silver medal ng bansa nang manaig sa taijiquan.
Si Wong ay nanalo ng ginto sa 42 forms ng taijiquan at nakuntento sa bronze sa 42 forms ng taijijian sa nakaraang 8th Asian Juniors Wushu Championship noong nakaraang taon.
Sa kabilang banda, hindi kinaya ng Asian Games bronze medalist at Singapore SEA Games silver medalist na si Francisco Solis ang lakas ng reigning Asian Games champion na si Hong Xing Kong ng China nang yumuko sa 65kg class at makuntento lang sa bronze.
Sa kabuuan tumapos ang Team Philippines na ang paglahok sa nasabing tounarment ay ginastusan ng Philippine Sports Commission, sa ikawalong puwesto katabla ang Macau sa likod ng nagkampeong China na may 14 gintong naisubi na sinundan ng host country na may pito at Iran na may anim sa event na ito na nilahukan ng 76 bansa at kabuuang 904 atleta.