Pinas lalahok sa World Wushu Championships
MANILA, Philippines – May 15 wushu artists ang inilahok ng Wushu Federation Philippines (WFP) sa 13th World Wushu Championships sa Istora Senayan Jakarta, Indonesia na magsisimula ngayong araw.
Sa bilang na ito, pito ay lalaro sa taolu sa pangunguna ng dating Asian Junior champion na si Alieson Ken Omengan.
Ang iba pa ay sina Thornton Quieney Lou Sayan, Spencer Bahod, Norlence Ardee Catolico, Johnzenth Gajo, Kariza Kris Chan at Agatha Chrystenzen Wong.
Sasali rin ang bansa sa sanda (sparring) at ang ilalaban ay sina Noel Alabata, Arnel Mandal, Francisco Solis, Jean Claude Saclag, Clemente Tabugara Jr., Divine Wally, Hergie Bacyadan at Jessie Aligaga.
“Our athletes are mostly young and new but we can make some surprises,” wika ni WFP secretary general Julian Camacho.
Si Camacho ang tatayo rin bilang team manager ng taolu team habang ang dating WFP president na si Jimmy Ong ang manager ng sanda.
Kasama rin sa delegasyon ang mga Chinese coaches na sina Zhang Chunyan, Ma Jing Wei at Tong Qing Hai.
Ang kompetisyon ay ginagawa tuwing dalawang taon at maliban noong 2009 sa Canada na hindi sinalihan ng bansa, laging may bitbit na ginto ang inilaban sa 2003 Macau, 2005 Vietnam, 2007 China, 2011 Turkey at 2013 Kuala Lumpur, Malaysia.
“We want to win as many as we can but our modest goal is to win at least one gold,” dagdag pa ni Camacho.
Ang delegasyon ay umalis noong Huwebes bitbit ang determinasyon na bigyan ng karangalan ang bansa sa prestihiyosong kompetisyon.
- Latest