Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
3 p.m. IEM vs Sta. Elena
5 p.m. Cignal vs Navy
MANILA, Philippines – Nahaharap sa mahalagang laro ang tatlong koponan na nasa huling tatlong puwesto sa team standings ng Spikers’ Turf Reinforced Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ang IEM Volley Masters at Sta. Elena Wrecking Ball ang magtutuos sa unang bakbakan sa ganap na alas-3 ng hapon bago sundan ng Navy Sailors at Cignal HD Spikers dakong alas-5.
Ang Sailors, Sta. Elena at IEM ay may 1-2, 1-3 at 0-3 karta at kailangan nila ang manalo para gumanda pa ang tsansang umabante sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Magsisilbing knockout game ang bakbakan ng Volley Masters at Wrecking Ball dahil ang matatalo ay tuluyang mamamaalam na.
Sa kabilang banda, ang Navy ay nagnanais na makuha ang ikalawang panalo para maiusad ang isang paa patungo sa susunod na round.
Sa kasalukuyan ay dalawang koponan pa lamang, ang walang talong Air Force Airmen (3-0) at Cignal (3-1) ang nakakuha na ng puwesto sa semis habang namumuro na ang PLDT Home Ultera Fast Hitters sa 2-2 baraha.