San Miguel, NLEX makikisosyo
MANILA, Philippines – Pupuntiryahin ng nagdedepensang San Miguel at ng NLEX ang kanilang ikalawang sunod na panalo para makasosyo sa liderato, habang itatampok naman ng Meralco at Barako Bull ang dalawang player ng Gilas PIlipinas.
Sasagupain ng Beermen ang Meralco Bolts ngayong alas-7 ng gabi matapos ang bakbakan ng Road Warriors at ng Barako Bull Energy sa alas-4:15 ng hapon sa 2015 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Binuksan ng San Miguel ang pagtatanggol sa kanilang korona matapos sibakin ang Globalport, 97-86 noong nakaraang Sabado sa Davao City.
Ikinagulat ito ni coach Leo Austria.
“Struggling kami talaga sa preseason games namin. Out of six games we played, nanalo kami ng dalawa tapos isang draw,” wika ni Austria sa kanyang Beermen na nagkampeon sa nakaraang PBA Philippine Cup at sa Governor's Cup.
Sa nasabing panalo ng Beermen sa Batang Pier ay humakot si back-to-back MVP June Mar Fajardo ng 21 points, 17 rebounds at 3 shotblocks.
Nagdagdag naman ng 19 markers si Alex Cabagnot kasunod ang 11 ni Arwind Santos at tig-10 nina Marcio Lassiter at Gabby Espinas.
Itatampok naman ng Bolts ni one-time PBA Grand Slam champion mentor Norman Black si dating Talk 'N Text at Gilas Pilipinas playmaker Jimmy Alapag.
Makakatuwang ng 43-anyos na si Alapag sa backcourt ng Meralco sina Anjo Caram, Simon Atkins at San Beda Red Lions' guard Baser Amer.
Sa unang laro, hangad ng NLEX na madugtungan ang kanilang 90-86 panalo laban sa Blackwater noong Oktubre 23 sa pagharap sa Barako Bull na ibabandera si Gilas Pilipinas guard JC Intal.
- Latest