MANILA, Philippines - Handang-handa na ang nag-oorganisang Milo at ang probinsya ng Laguna para sa pagdaraos ng 7th Milo Little Olympics National Finals na sisimulan ngayon at matatapos sa Linggo sa Sta. Cruz, Laguna.
Mag-aagawan para sa prestihiyosong Perpetual Trophy ang mga nagkampeon sa North Luzon, South Luzon, Visayas at Mindanao legs.
“The regional teams have been preparing hard for this and we will soon witness the fruits of their hard work,” sabi kahapon ni Milo Sports Executive Robbie De Vera.
Tiniyak naman ni Laguna Governor Ramil Hernandez ang kahandaan ng kanyang probinsya para sa naturang three-day sports event.
“Lahat ng request nila natugunan ng pamahalan ng Laguna,” sabi ni Hernandez sa mga hiningi ng Milo. “Fit na fit ang aming sports complex para sa Milo Little Olympics National Finals. Lahat ng aspect ay napag-aralan at napaghandaan po namin.”
Kabuuang 13 sports events ang nakalatag para sa nasabing inter-school youth sports competition.
Ang mga ito ay ang badminton, basketball, chess, football, gymnastics, lawn tennis, swimming, table tennis, taekwondo, volleyball, sepak takraw at scrabble, habang magiging demonstration sport naman ang arnis at karatedo.
Sa pamamagitan ng Milo Little Olympics ay maaaring maisakatuparan ng mga batang atleta ang kanilang pangarap na maging kampeon sa local o international competitions.