Older is wiser
Anuman ang kinalabasan ng huling laro natin kagabi ay higit akong pinahanga at pinabilib ng Gilas Pilipinas.
Sana kayo rin.
Aaminin ko na isa ako sa mga hindi masyadong umasa na aabot sa finals ang team na ito.
Sa lahat kasi ng lumahok sa FIBA Asia Championship sa Changsha, China, ang Gilas ang pinakamatandang team na may average na edad na 31.
Si Asi Taulava ang pinakamatanda sa lahat sa 42. Si Dondon Hontiveros ang sumunod sa 38. Puro 33 years old naman sina Marc Pingris, Sonny Thoss at Ranidel de Ocampo.
Ang mga batang players sa ibang teams ay puwede nang anak ni Taulava.
Pero may kasabihan tayo na older is wiser.
Yun nga ang kinalabasan lalu na para kay Hontiveros na siyang pumukol ng mga pamatay na tres laban sa Japan nung isang gabi.
Umabot tayo sa finals kalaban ang China, ang pinakabata at pinaka-matangkad na team. Apat ang seven footers ng China.
Yan ang Great Wall of China.
Kagabi inilaro ang finals. Ang nagwagi ay diretso sa 2016 Rio Olympics. Ang hindi naman nagwagi, may pag-asa pa rin makapunta sa Olympics.
Kaya lang, butas ng karayom na ang dadaanan nito sa World Olympic Qualifier.
Sorry, wala akong bolang kristal para hulaan ang resulta ng finals. Hindi ko naman kilala si Madam Auring.
Masarap sana tanungin si Madam Auring kung anu-ano ang makikita niya sa kanyang mga makukulay na baraha.
Mahirap kalaban ang China.
Pero sa tapang at gilas ng ating mga players, lalu na nang pataubin natin ang defending champion na Iran, ay nawala na lahat ng duda ko.
Manalo o matalo, elibs ako sa inyo.
- Latest