34th PCA Open hahataw na depensa sa titulo sisimulan na ni Tierro
MANILA, Philippines – Dadaan sa butas ng karayom si Patrick John Tierro sa hangaring maidepensa ang hawak na titulo sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier Wildcard Event ngayon sa bagong kumpuni na PCA Open Clay courts sa Paco, Manila.
Magsisimula ang torneo ngayon at kailangang makitaan ng matibay na laro si Tierro dahil kasali ang mga malalaking pangalan sa local tennis sa kompetisyong ginagamit para madetermina ang mga papasok sa 2015 Manila International Tennis Federation (ITF) Men’s Futures Leg 2.
Ang finalists sa singles ay magkakaroon na ng tiket sa ITF event habang ang mga aabot sa quarterfinals ay papasok sa qualifying leg ng $15,000 event na magsisimula sa Oktubre 2.
Mangunguna sa magtatangka na pigilan ang ikalawang sunod na kampeonato ni Tierro ay ang 8-time champion na si Johnny Arcilla.
Kasali rin ang dating Australian Open Junior champion na si Francis Casey Alcantara at Jeson Patrombon habang hindi rin puwedeng biruin ang papasibol na junior netter na si Alberto Lim Jr.
Suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, Head, Babolat, Compass/IMOSTI, Philippine Star at Sarangani Representative Manny Pacquiao, lalaban din ang mga beteranong sina Elbert Anasta at Kyle Joshua Dandan bukod pa kina Marc Reyes at Jurence Mendoza.
Magkakaroon din ng tagisan sa men’s doubles ang tatanghaling kampeon dito ang uusad sa Futures na suportado rin ng Wilpool/Fujidenzo, Broadway Motor Sales Corp., Philippine Tyrecorp Incorporated, Pearl Garden Hotel at Metro Global Holdings Corporation. (AT)
- Latest