Gilas kakaliskisan ng Talk ‘N Text sa MVP Cup
Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Chinee Taipei vs New Zeland
7 p.m. Gilas vs Talk ‘N Text
MANILA, Philippines - Ito na ang magiging pinakahuling paghahanda ng Gilas Pilipinas bago sumabak sa 2015 FIBA Asia Championship sa Changsa, China.
Kaagad makakasukatan ng Nationals ang Talk ‘N Text Tropang Texters ngayong alas-7 ng gabi matapos ang bakbakan ng Chinese Taipei at Wellington Saints ng New Zealand sa alas-4:15 ng hapon sa three-day MVP Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Ang FIBA Asia Championship, nakatakda sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 3, ang tumatayong regional qualifying tournament para sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil.
Kamakailan ay pinangalanan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang Final 12 ng Gilas Pilipinas para sa FIBA Asia meet.
Ito ay sina 6-foot-11 naturalized player Andray Blatche, Asi Taulava, Terrence Romeo, Jayson Castro, Sonny Thoss, Calvin Abueva, Gabe Norwood, Marc Pingris, Dondon Hontiveros, JC Intal, Matt Ganuelas-Rosser at Ranidel De Ocampo.
Makakatapat nila ang mga dating training pool members na sina 6’7 Moala Tautuaa at 6’6 Jeth Troy Rosario, nahirang na No. 1 at No. 2 overall pick ng Talk ‘N Text sa nakaraang 2015 PBA Rookie Draft.
Bago sumabak sa MVP Cup ay nanggaling ang Gilas Pilipinas sa 37th Jones Cup sa Taipei kung saan nila inangkin ang silver medal, habang ang five-time champions na Iran ang kumuha sa gold medal.
Ang mga presyo ng tiket sa MVP Cup ay P1,500 (Patron A at Patron B), P1,000 (Patron C), P600 (Box), P400 (Upper Box) at P200 (General Admission).
- Latest