MANILA, Philippines – Nagising si Cindy Resultay sa huling yugto para pangunahan ang Perlas Pilipinas sa 68-67 panalo sa North Korea sa pagpapatuloy ng 2015 FIBA Asia Women’s Championship Level II kahapon sa Wuhan, China.
Lahat ng 14 puntos ay ginawa ni Resultay sa huling yugto, tampok ang nakumpletong 3-point play sa huling 40 segundo na tuluyang nagbigay ng abante sa Pilipinas, 68-66.
Dumikit sa isa ang North Korea sa split ni Jang Mi Gyong pero ang nasabing manlalaro rin ang nagpatalo sa kanyang koponan ng itinapon ang bola sa mahalagang opensa sa huling pitong segundo.
May dalawa pang triples na pinakawalan si Resultay na humaltak pa ng pitong rebounds at may isang assist para makabangon ang koponan mula sa unang pagkatalo sa Malaysia.
Tinalo ng Kazakhstan ang Malaysia, 73-65, upang solohin ng una ang anim na bansang naglalaban-laban sa Level II sa 2-0 baraha.
Ang Pilipinas, Malaysia at North Korea ay magkakasama sa 1-1 karta para maging matibay ang Pambansang koponan sa unang dalawang puwesto matapos ang single-round elimination na magkakaroon ng pagkakataon na umakyat sa Level I sa 2017 edition.
Kalaban ngayon ng Perlas ang Sri Lanka at inaasahang maalpasan ito dahil mas may karanasan ang mga manlalaro ng Pambansang koponan.
Si Allana May Lim ay naghatid pa ng 14 puntos habang tig-11 ang ginawa nina Raiza Rose Dy at Afril Bernardino para sa nanalong koponan na kinakitaan ng mas magandang shooting nang tumapos sa 41.1% sa 2-point field goals (23-of-56).