Alapag lalaro sa Meralco

MANILA, Philippines - Hindi pa natatapos ang PBA career ng nauna nang nagretirong si Talk ‘N Text point guard Jimmy Alapag.

Kahapon ay inaprubahan ni bagong PBA Commissioner Chito Narvasa ang pagdadala ng Tropang Texters kay Alapag sa Meralco Bolts bilang playing assistant coach.

Nauna nang iniretiro ng Tropang Texters ang jersey ni Alapag sa nakaraang 2015 PBA All-Star Weekend sa Puerto Princesa, Palawan.

Matapos ito ay iniluklok ang 36-anyos na si Alapag bilang team manager ng koponan sa nakaraang PBA 2014-2015 season. Ibinigay ng Talk ‘N Text ang playing rights ni Alapag sa Meralco sa trade deal na kinasasangkutan din ng Blackwater.

Muling nahugot ng Tropang Texters si forward Larry Rodriguez mula sa Elite na nasikwat naman sina Bolts point guard Mike Cortez at center James Sena.

Bago ang trade deal ay nakita si Alapag na nakiki­pag-ensayo sa Gilas Pilipinas ni coach Tab Baldwin sa Meralco Gym noong Lunes at Martes.

Inaasahang kukunin si Alapag ni Baldwin para sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa 2015 FIBA Asia Cham­pionships sa Changsa, China sa susunod na buwan.

Si Alapag, ang 2003 Rookie of the Year ay may mga career averages na 12.4 points, 5.8 assists at 3.9 rebounds.  Inaprubahan din ni Narvasa ang pagbibi­gay ng Barako Bull kay guard Joseph Yeo sa Globalport kapalit ang isang future draft pick ng Batang Pier.

Show comments