Maroons pinitas ang quarters ticket
MANILA, Philippines – Kinuha ng UP Maroons ang ikatlong upuan sa quarterfinal round sa Group B nang pataubin ang La Salle-Dasma Patriots, 23-25, 25-16, 25-19, 25-22, sa Spikers’ Turf Collegiate Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 19 puntos si Wendel Miguel, tampok ang 17 kills, habang may 15 si Alfred Gerard Valbuena, kasama rito ang 12 kills.
May 11 puntos si Julius Evan Raymundo upang mapatahimik ang Patriots.
Ito ang ikatlong panalo sa apat na laro ng Maroons para samahan ang Ateneo Blue Eagles at La Salle Green Archers sa quarterfinals, habang bagsak sa 0-4 ang Patriots para mamaalam sa liga.
Nakisalo ang National University Bulldogs sa liderato sa Group A nang igupo ang FEU Tamaraws, 25-23, 19-25, 22-25, 25-21, 15-13, sa ikalawang laro.
Kumapit sa tibay ng dibdib sa kanilang manlalaro ang koponan matapos bumangon mula sa 1-2 iskor at naghabol mula sa 8-11 iskor sa deciding fifth set para sa ikaapat na sunod na panalo at makatabla sa unahan ang pahingang NCAA champions na Emilio Aguinaldo College Generals.
Sina Bryan Bagunas at Fauzi Ismail ay nagtala ng 23 at 22 puntos, habang may 19 si Madzlan Gampong para ipasok na rin ang pahingang NCBA Wildcats sa susunod na round.
Ang kabiguan ay nagtulak sa Tamaraws sa 1-3 karta para mabigyan ng pagkakataon ang Mapua Cardinals na makasalo sa mahalagang ikaapat na puwesto.
Aabante ang apat sa anim na koponan na magkakagrupo sa quarterfinals kaya’t nakabuti rin sa Cardinals ang pagkulapso sa nasabing laro.
- Latest