MANILA, Philippines – Malaki ang posibilidad na sa Singapore SEA Games Organizing Committee na lamang magpapatala ng manlalangoy ang asosasyon na pinangungunahan ni Mark Joseph.
Ito ay dahil kahapon ang deadline ng SEAG organizing committee para mahawakan nila ang opisyal na talaan ng mga kasali sa palaro mula Hunyo 5 hanggang 16.
Pero habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa nagbibigay ng pangalan ng manlalangoy ang grupo ni Joseph na pinahintulutan ng management committee na magsali ng 14 manlalangoy.
“Lahat ng pagkakataon ay ibinigay na natin sa kanila. Ang mga hiningi nila ibinigay na rin natin, ano pa ang gagawin natin,” wika ni Chief of Mission at kasapi ng management committee na si Julian Camacho.
Lalabas na ang aquatics ang siyang may pinakamalaking delegasyon sa 34 sports associations na sasali sa SEA Games.
Bukod sa 14 swimmers, sasali rin ang men’s at women’s water polo na bubuuin ng tig-13 atleta bukod sa anim na divers na hinati sa apat sa diving at dalawa sa synchronized diving.
“Ang nakapasa lamang talaga ay dalawang male at isang female. Pero umapela sila at ginawa naming 11 swimmers. Umapela uli ang president nila sa isang meeting sa bahay ni POC president Jose Cojuangco at tatlo pa ang gusto niya. Ibinigay natin lahat ng 14 swimmers at bahala sila kung puro men o women ito. Pero wala pa silang entry-by-name hanggang ngayon,” ani Camacho na nakaupo rin bilang treasurer sa POC.
“After office hours, kung wala pa sila, sa FINA o sa Singapore na lang sila maghabol. We can’t wait for them,” banat pa ni Camacho.
Kasabay nito ay isiniwalat pa ng opisyal na secretary-general din ng wushu, ang paghahabol pa ng Floorball Philippines na masama sa delegasyon kahit hindi sila nagbigay ng entry-by-number.
Ipinasa naman ni Camacho ang desisyon kung ipapakiusap ba ito o hindi sa Singapore sa POC Executive Board na magpupulong sa Abril 15.
Sa opisyal na talaan ay nasa 451 ang bilang ng manlalaro na ilalaban ng bansa. Sa bilang na ito 51 atleta na mula sa women’s water polo (13) women’s net ball (12), men’s volleyball (12), women’s dragon boat (8) at practical shooters (6) ang isinama dahil may sariling sponsors.
Lalahok ang Pilipinas sa 34 sa 36 events sa Singapore pero kung mapasok ang floorball, sa hockey na lamang walang entrada ang bansa.
Hanap ng delegasyon na maibangon ang Pilipinas mula sa pinakamasamang pagtatapos sa SEAG na ikapitong puwesto noong 2013 sa Myanmar bitbit ang 29 ginto, 34 pilak at 38 bronze medals.