MANILA, Philippines – Tatlong araw matapos madismaya sa ginawang siyam na sparring rounds ni Manny Pacquiao, ibang Freddie Roach ang nakapanayam ng mga reporters kahapon sa Wild Card Boxing Gym.
Halos isang oras na nagpapawis sina Pacquiao at Roach sa punch mitts at ito ay walang tigil hanggang mismong ang Hall of Fame trainer ang huminto para magpahinga.
Sinabi ni American publicist Fred Sternburg na tila isang ‘machine’ ang Filipino world eight-division champion, nagpahinga noong Linggo matapos ang araw-araw na pagsasanay bilang paghahanda sa kanilang upakan ni Floyd Mayweather Jr. sa Mayo 2.
Nauna nang nainis ang 55-anyos na si Roach sa ikinilos ng 36-anyos na si Pacquiao sa siyam na sparring rounds.
“I’m not gonna be nice to him. I’m gonna make him do what I want because that’s the way he can beat Mayweather,” sabi ni Roach kay Pacquiao.
Ilang taon nang magkasama sina Pacquiao at Roach at minsan ay daig pa ang kanilang turingan sa pagiging mag-ama.
Kaya naman hindi pinersonal ng Sarangani Congressman ang nasabing pagkayamot sa kanya ni Roach.
“Manny is the smarter, faster and stronger fighter. He is going smoke ‘Mr. 47 and 1,’ Floyd Mayweather on May 2,” wika pa ni Roach kay ‘Pacman’.
Muling magdaraos ngayon ng sparring session si Pacquiao na maaaring umabot sa 12 rounds.
Sa kampo naman ni Mayweather ay ipinagyabang ng kanyang sparmate na si Don Moore na hindi matatalo si ‘Money Man’ kay Pacquiao.
“I’m trying to wrap him up, learn from him, ducking and dodging and running off combinations man and he see everything. It’s like man, master of boxing,” ani Moore.