Jumbo Plastic susukatin ang lakas ng Hapee
Laro Ngayon (JCSGO Gym)
1 p.m. Café France vs Tanduay Light
3 p.m. Hapee vs Jumbo Plastic
MANILA, Philippines – Masisilayan ang bagong lakas ng Hapee Fresh Fighters sa pagharap sa Jumbo Plastic sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup ngayon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Ikalawang laro ito dakong alas-3 ng hapon at masasabing nabawasan ang puwersa ng Hapee dahil wala na sa koponan ang mga San Beda players sa pangunguna ng 6’8 na si Ola Adeogun.
Galing din sa injuries sina Garvo Lanete at Bobby Ray Parks Jr. at hindi pa tiyak kung makakapaglaro kaya’t kakailanganin ni coach Ronnie Magsanoc ng magandang pagtutulungan mula sa mga dating inaasahan at mga bagong hugot.
Sina Troy Rosario, Earl Scottie Thompson, Arnold Van Opstal at Chris Newsome ang mga datihan manlalaro na dapat magtrabaho habang ang suporta ay kukunin kina Mike Gamboa, Leo Gabo, Mark Lopez, Mark Romero, Arvie Bringas at Mar Villahermosa.
Hindi puwedeng magpabaya ang Hapee sa Giants dahil nais nilang makabangon mula sa 61-79 pagkakadurog sa kamay ng Tanduay Light na sasalang sa unang laro sa ala-1 ng hapon laban sa Café France.
Nagbunga ang halos mahabang panahon ng pagkakasama-sama ng mga manlalaro ni coach Lawrence Chongson para magkaroon ng magandang panimula.
Sina Roi Sumang, Jaypee Belencion at Aljon Mariano ang mga sasandalan matapos kumana ng 17, 14 at 16 puntos sa unang laro.
Sa kabilang banda, babangon ang Bakers mula sa 85-86 pagkatalo sa Cebuana Lhuillier Gems sa larong nakitaan ng paglayo nila ng hanggang 20 puntos sa ikatlong yugto. (AT)
- Latest