STA. CRUZ, Laguna, Philippines – Nasulit ang lahat ng paghihirap ng 20-anyos middle distance runner na si Marco Vilog nang talunin niya ang mga paborito sa 800-m run sa idinaraos na Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa Laguna Sports Complex dito.
Isang bronze medalist sa event sa 2014 Philippine National Games, ipinakita ng 5’10 mag-aaral ng Lyceum-Batangas na si Vilog ang laki ng pag-unlad sa pagtakbo sa event nang naorasan ng 1:51.60 tiyempo sa palaro na inorganisa ng PATAFA at suportado ni Governor Ramil Hernandez.
Hiniya niya ang national athlete na si Wenlie Maulas na may 1:51.91 at Myanmar SEA Games veteran Maniam Kesavan ng Malaysia (1:51.98) pero higit dito ay ang paglampas sa SEAG bronze medal mark ni Doung Van Thai ng Vietnam na 1:51.62 oras.
Ang dating 400m SEAG gold medalist at ngayon ay isa sa national coaches na si Ernie Candelario ang personal coach ni Vilog na agad ding bumalik ng Batangas dahil kailangan pa niyang kumuha ng finals exam.
“Mula pa noong Biyernes sa qualifying round ay agad din siyang bumabalik dahil may exams siya. Ang training niya ay ginagawa lamang tuwing weekends at talagang malaki ang potensiyal niya sa event na ito,” wika ni Candelario.
Puwede sanang makapasok sa Singapore SEA Games si Vilog pero hindi siya naisama sa naunang pangalan na ipina-accredit ng PATAFA.
Ngunit ikokonsidera siya sa national training pool para mas mahasa pa ang kanyang kaalaman.
Ang panalo ay nailinya sa tagumpay ng iba pang inasahan sa pangunguna ni Fil-Am Jessica Barnard sa 3000m steeplechase.
Ang SEAG bronze medalist sa naisumiteng Philippine record na 11:04.84, ay nagkaroon lamang ng mabagal na 11:34.45 dahil na rin sa katotohanang ito ang una niyang pagtakbo sa steeplechase mula 2013.
“The last time I competed in the steeplechase was during the last SEA Games and it was fun to be here,” wika ng 24-anyos at assistant coach ngayon ng UCLA.
Isinilang sa bansa pero tumungo sa US nang pumutok ang Mt. Pinatubo, nagpasaya pa kay Barnard ang panonood sa kanya ng inang si Elenita Pepito na tubong Digos City sa Davao del Sur.
Ang iba pang pinaboran na nanalo sa Open ay sina Julius Sermona sa 10,000m run, Johnrey Ubas sa decathlon, Felyn Dolloso sa women’s triple jump at Mark Harry Diones sa men’s triple jump.
Gumawa naman ng marka sa juniors si Francis Medina ng Leyte Sports Academy-Perpetual Help nang burahin niya ang sariling record sa 110-m hurdles.
Naorasan si Medina ng 14.23 segundo para higitan ang 14.52 na naitala sa ASEAN Schools noong Disyembre sa Marikina City.
Ang Philippine Sports Commission (PSC) bukod sa Laguna Water, Pacific Online Scratch itKaskaSwerte, Papa John’s, Foton Philippines, PCSO, Smart, PLDT, Summit National Drinking Water, SSS, PAGCOR, Milo, Gatorade, L TimeStudio at Asics Watch ang iba pang tumutulong sa apat na araw na trackfest.