Buwenamano sa Titans, Mixers
Laro LUNES
(JCSGO Gym)
1p.m. Jumbo Plastic
vs TanduayLight
3 p.m. Cebuana Lhuillier vs Café France
MANILA, Philippines - Magandang panimula ang inangkin ng AMA University Titans at Kerimix Mixers nang nagwagi sila sa pagbubukas ng PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Lahat ng starters ng Titans ay gumawa ng mahigit 10 puntos upang dominahin ang baguhang ATC Liver Marin-San Sebastian sa 89-81 panalo.
Dikit man ang final score, naghabol sa kabuuan ng laro ang Liver Marin at napag-iwanan ng hanggang 21 puntos, 45-24, ng Titans.
“Sa tingin ko ay mas malakas ang bench ko this conference and hopefully ay mahigitan namin ang aming tinapos last conference,” wika ni Titans coach Mark Herrera.
Si Jerramy King ay may 24 puntos at si Jay-R Taganas ay naghatid pa ng 19 puntos at 19 rebounds.
Hindi naman nagpahuli ang mga baguhan sa koponan na sina Marcy Arellano, Joseph Terso at Dexter Maiquez na naghatid pa ng 12, 11 at 10 puntos.
Nagdala ng laban para sa Liver Marin sina Choi Ignacio, Leo de Vera at Jamil Ortuoste sa kanilang 14, 14 at 10 puntos ngunit ang mahinang panimula bunga ng katotohanang ito ang kanilang unang salang sa liga bilang isang koponan ay ininda ng tropa ni rookie head coach Rodney Santos.
Kumana si Jeff Viernes ng 20 puntos habang tatlong iba pang kasamahan ay nag-ambag ng 12 puntos pataas para bigyan ang Kerimix Mixers ng 87-60 panalo sa MP Hotel sa ikalawang laro.
Sumirit agad ang Mixers sa 23-6 kalamangan matapos ang unang yugto at mula rito ay hindi na nagpabaya para sa magarang panimula ng koponang hawak ni coach Caloy Garcia at dating nakilala bilang Racal Motors.
- Latest