MANILA, Philippines – Anim na rounds sa punch mitts, apat na rounds sa shadow boxing, tig-tatlong minuto sa heavy bag, double-end bag at speed bag at tatlong minuto sa skipping ropes.
Tinapos ni Manny Pacquiao ang una nilang gym work ni chief trainer Freddie Roach sa pamamagitan ng 1,000 abdominals.
“It’s good that we’re together again in training. Our relationship is special. You know, I’m very excited to train for this fight and I’m glad that Coach Freddie is back,” sabi ni Pacquiao sa panayam ni Aquiles Z. Zonio ng Philboxing.com mula sa Wild Card Boxing Club sa Hollywood, California.
Kaagad na nagbalik ang Hall of Fame trainer sa kanyang gym matapos matalo ang kanyang estudyanteng si two-time Olympic gold medalist Zou Shiming sa una nitong world title fight sa Macau, China.
Para walang makaistorbo sa kanilang training camp ay walang pinayagan si Roach na mga usiserong makapasok sa Wild Card.
“We want to keep it private as possible,” ani Roach.
Lalabanan ni Pacquiao si Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sa susunod na linggo ay sisimulan na ni Pacquiao ang kanyang sparring session laban sa dalawang sparmates na kinuha ni Roach.
“I don’t have their names. But even if I knew them, I will not reveal their identity. They might be offered money again,” patama ni Pacquiao sa kampo ni Mayweather na napaulat na binayaran ang mga naunang kinuhang sparmates ni Roach para hindi matulungan sa paghahanda si Pacquiao.
Sa kanilang unang sesyon ay may napansin si Roach sa Filipino world eight-division champion na si Pacquiao.
Sinabi ng American trainer na posibleng pinapanood ng 36-anyos na si Pacquiao ang mga laban ng 38-anyos na si Mayweather sa YouTube para pag-aralan ang mga galaw ng American world five-division titlist.