Javier, Fornea kampeon sa duathlon
MANILA, Philippines – Nagkaroon man ng kaunting problema ay hindi naman nadiskaril si Robeno Javier para pangatawanan ang pagiging number one male duathlete ng bansa nang pagharian ang Sante Barley Domination duathlon race noong Linggo sa Clark International Speedway sa Clark, Pampanga.
Ginawang 11 laps ni Robeno ang dapat ay 10 laps lamang na bike leg upang mangailangan siya ng malakas na pagtakbo para una pa ring tumawid sa meta sa 4k run, 40k bike, 4k run race na inorganisa ng BikeKing at suportado ng GU, Garmin, Pure Barley, Whey Barley at Barley Pure.
Si Mervin Santiago na nakasabay si Allen Santiago na unang lumabas sa bike transition, ay naorasan ng 1:37:01 pero sa 18-24 Age Group siya nakasali para makuha rin ang gintong medalya.
Ang pumangalawa kay Javier ay si Dante Cagas (1:37:06) habang si Jeff Valdez ang pumangatlo (1:37:41) at maibulsa rin ang P6,000.00 at P4,000.00 premyo.
Wala rin naging problema ang dating national team member na si Mary Pauline Fornea na dinomina ang kababaihan sa 1:48:30 oras.
Malayong nasa ikalawang puwesto si Rowena Valdez sa 1:55:18 habang ang pangatlong puwesto ay nakamit ni Franchesca Diane Gutierrez sa 2:35:45.
Nagkaroon din ng karera sa Criterium at Individual Time Trial sa cycling at lumutang ang galing ng lady cyclists na si Marella Vania Salamat na nanalo ng dalawang ginto sa 45-minute plus one lap criterium (41:56) at sa 30k ITT (49:08).
Ang mga nanalo sa kalalakihan ay sina Ricky Calla, Victor Viray at King Lopez sa Cat. 2, 3 at 4 sa criterium habang sina Joey delos Reyes, Maiqui Dayrit at Randy Boy Apostol ang sa ITT. (AT)
- Latest