Pacman kumpiyansang matutuloy ang laban kay M’weather
MANILA, Philippines – Kagaya ni Bob Arum ng Top Rank Promotions, kumpiyansa rin si Manny Pacquiao na matutuloy ang kanilang upakan ni Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“If you ask me what the percentage is, it’s 80-20 (that it will happen),” wika ng Filipino world eight-dvision champion na si Pacquiao sa panayam ng BoxingScene.com.
Sinabi ni Arum na hinihintay na lamang nila ni Pacquiao ang pirma ni Mayweather para sa pormal na paghahayag ng kanilang super fight. Subalit kamakailan ay pinasinungalingan ng Showtime/CBS kung saan may exclusive contract si Mayweather, na may inihanda nang fight contract si Arum.
Pumayag na si Pacquiao sa lahat ng kondisyones ni Mayweather mula sa pagtanggap niya sa 40/60 purse split hanggang sa pagsailalim sa isang Olympic-style random blood at drug testing. Kaya naman wala nang dahilan ang 37-anyos na American world five-division titlist para muling tanggihan na labanan si Pacquiao.
Hanggang kahapon ay wala pang sagot si Mayweather kaugnay sa paghahamon sa kanya ng 36-anyos na Sarangani Congressman.
Sinasabing nakikipag-usap si Mayweather sa kampo ni Miguel Cotto, tinalo niya noong Mayo ng 2012, para sa isang rematch.
- Latest