Dapat nga bang bumaba ng timbang si Manny Pacquiao?
Yan kasi ang gusto niya at ng kanyang adviser na si Mike Koncz.
Sabi ni Koncz, maliit si Pacquiao sa welterweight division o sa 147 pounds. Masyado raw malaki ang mga nakakalaban dito.
Kaya nga naman mula nung 2009 ay hindi na ulit naka-knockout itong si Pacquiao.
Huli niyang biktima si Miguel Cotto. Tapos nun ay napalaban siya sa iba pang mga welterweights gaya ng higanteng si Antonio Margarito.
Oo, binugbog ni Pacquiao at winasak ang muka ni Margarito. Pero hindi niya ito napatumba.
Masyado ng mabigat.
Sabi pa ni Koncz, sa mga huling laban ni Pacquiao sa welterweight ay halos pitong beses na ito kumakain sa isang araw para lumapit lang sa 147 pounds.
Kung hindi kasi siya lalamon ng husto ay baka tumimbang lang siya ng 140.
Eh, mas mabuti pa nga naman daw na bumaba na lang ulit si Pacquiao sa junior welterweight kung saan dati rin siyang kampeon.
Pinatulog ni Pacquiao si Ricky Hatton sa 140 pounds kasi nga nasa tamang timbang ang kanyang katawan at suntok.
Ilang beses na rin sinabi sa atin ni Pacquiao na balak nga niya bumama ng timbang. Sinabi pa nga niya na kahit 135 ay kaya pa niyang kunin ngayon.
Agree ako sa 140 pero hindi sa 135.
Pinangako ni Koncz na sa 140 ay muling makikita ng fans ang dating bangis ni Pacquiao.
Babalik ang mga knockout wins, sabi niya.
Kung baga, match ang laban.
Pero kung si Floyd Mayweather ang sunod niyang makakaharap, siguradong sa 147 pounds o pataas ang laban.
Siguradong hindi lalaban si Mayweather kay Pacquiao sa 140.
Ano, bale?