MANILA, Philippines – Isang multi-titled coach ang siyang tinapik ng National University Lady Bulldogs para ibangon ang nangungulimlim na kampanya sa 77th UAAP women’s volleyball.
Si Roger Gorayeb, na coach din ng San Sebastian Lady Stags sa NCAA, ang siyang ipinalit kay Ariel dela Cruz na naghatid lamang ng dalawang panalo sa limang laro para malagay sa ikalimang puwesto.
Bago sinimulan ang liga ay ipinalagay ang Lady Bulldogs bilang dark horse dahil nasa koponan pa rin ang matangkad na si 6’4 Jaja Santiago at Myla Pablo.
Ngunit hindi napangatawanan ng koponan ang mataas na pagtingin at ang huling koponan na nagpaamo sa Lady Bulldogs ay ang FEU Lady Tamaraws sa 3-0 sweep noong Disyembre 13.
“Yes, he will be our coach and he will coach the team this Wednesday against UST,” ani NU athletic director Junel Baculi.
Kakailanganin ni Gorayeb ng magandang time management dahil ang Lady Stags ay magbubukas din ng kampanya sa semifinals sa NCAA bukas.
Tiyak naman na malaki ang maitutulong ng malawak na karanasan ni Gorayeb para maipasok pa ang NU sa Final Four.
Bago kinuha ng NU ay pinili si Gorayeb bilang head coach ng bubuuing national U-23 women’s team na lalaro sa kauna-unahang AVC U23 Championship sa Pilipinas sa Mayo.
Ang NU ang ikalawang UAAP team na hahawakan ni Gorayeb dahil noong 2009 hanggang 2013 ay siya ang mentor ng Ateneo Lady Eagles na kanyang naihatid sa pangalawang puwesto sa ikalimang taon sa koponan. (AT)