MANILA, Philippines – Hahanapin ni Gilas coach Tab Baldwin ang mga manlalarong puwedeng magsama-sama para maging isang malakas na koponan para ipanlaban sa FIBA Asia Championships sa Hunan, China, mula Setyembre 23 hanggang Oktubre 3.
Mahalaga ang labanang ito para sa 2015 dahil ang mananalo sa kompetisyon ang siyang kakatawan sa rehiyon sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Ang 56-anyos na si Baldwin ay nasa New Zealand at binibisita ang kanyang pamilya at babalik ng bansa sa Enero 17.
“We want a team that has chemistry. We won’t only look at the skills of a player but also his character, how he fits in our style of play,” wika ni Baldwin.
Susuriin ni Baldwin ang laro ng mga PBA players para makita kung sino ang pupuwedeng imbitahan para sa bubuuing pool na maaaring katawanin ng 15 hanggang 30 manlalaro.
Mga beterano rin ang balak kunin ni Baldwin dahil sandaling preparasyon ang kailangang gawin sa koponan para sa FIBA Asia.
“We’ll make a strong effort to qualify for the Olympics so we’re looking to form a team of experienced players, veterans who know what it’s like to play under international conditions,” dagdag ni Baldwin.
Kinuha si Baldwin bilang kapalit ni dating Gilas coach Chot Reyes dahil beterano rin siya ng international play.
Siya ang coach ng New Zeland na naglaro sa 2002 at 2006 FIBA World Championships at sa 2004 Athens Olympics.
Sa pagbalik ni Baldwin ay makikipagpulong siya sa pamunuan ng SBP para sa mas detalyadong plano na kapapalooban din ng Cadets na ihahanda para sa SEA Games sa Singapore.