Warriors balik sa porma

OAKLAND, California — Nagpasabog si guard Stephen Curry ng 25 points at nagtala ng 6 assists, habang umiskor si Klay Thompson ng 21 points para igiya ang Golden State Warriors sa 110-97 panalo laban sa Minnesota Timberwolves.

Tinapos ng Warriors ang kanilang dalawang sunod na kamalasan.

Apat pang Golden State players ang umiskor ng double digits sa pag-iwan sa Timberwolves sa second half.

Lumamang ang Warriors ng 27 points sa kaagahan ng fourth quarter at ipinahinga ang kanilang mga regulars sa huling mga minuto ng laro.

Tumapos si Thaddeus Young na may 17 points at 6 rebounds, habang humakot si Zach LaVine ng 12 points at 14 assists sa ika-walong sunod na kabiguan ng Minnesota.

Nakabangon naman ang Golden State mula sa magkasunod nilang pag­katalo sa Los Angeles Clippers at Lakers.

Ginawa ito ng Warriors nang wala sina Andrew Bogut (right knee) at backup Festus Ezeli (left ankle), habang hindi nakuha ng Timberwolves ang mga serbisyo nina Ricky Rubio, Kevin Martin at Nikola Pekovic.

Sa Sacramento, humugot si DeMarcus Cou­sins ng siyam sa kanyang season-high 39 points sa overtime para pamunuan ang Kings sa 135-129 panalo sa New York Knicks.

Ito ang ika-pitong sunod na kamalasan ng Knicks.

Tumipa si Rudy Gay ng 29 points at nagtala si Darren Collison ng 27 points, 10 assists at isang tiebreaking 3-pointer sa dulo ng overtime para sa panalo ng Kings.

Nauna nang naipatalo ng Sacramento ang pito sa kanilang huling walong laro.

Kumamada si Carmelo Anthony ng 36 points sa panig ng Knicks.

Sa Salt Lake City, nagsalpak si Derrick Fabors ng 17 points at 15 rebounds bukod pa ang limang supalpal para banderahan ang Utah sa 88-71 panalo laban sa Philadelphia.

Nalimita ng Jazz ang Sixers sa 12-of-40 shoo­ting (30 percent) mula sa field bago magsara ang halftime.

Nagdagdag naman si Trey Burke ng 17 puntos para sa Jazz (10-20).

Sa iba pang resulta, tinapos ng Indiana Pa­cers ang Brooklyn Nets, 110-85 at nakalusot ang Atlanta Hawks sa Milwaukee Bucks, 90-85.

 

Show comments