MANILA, Philippines – Dinaig ni Jeffrei Jumawan si Elbert Bacong, 6-3, 6-1, para tulungan ang Letran na ungusan ang Perpetual Help, 2-1, at angkinin ang kanilang pang-limang sunod na seniors title sa 90th NCAA lawn tennis competition kahapon sa Rizal Tennis Center.
Ang panalo ni Jumawan ang bumasag sa one-match deadlock matapos matalo si Valenzuela kay Ed Adrian Parangan, 0-6, 1-6, sa unang singles at manaig sina Bryan Saarenas at Adjuthor Moralde kina Chad Bautista at Renz Sevilla, 6-2, 6-2, sa doubles.
Kasalukuyan pang nilalabanan ng Muralla-based school ang San Sebastian habang sinusulat ito ngunit tiyak pa ring makukuha ang korona anuman ang maging resulta nito.
Nauna nang dinomina ng Knights ang first round matapos ipanalo ang pito sa kanilang walong laro.
Samantala, diniskaril naman ng San Beda ang hangad ng Letran na makuha ang kanilang ikalawang sunod na juniors crown.
Ginitla ni Noel Damian si Jose Nicolas Cano, 6-3, 6-1, at binigo nina Andre Rodriguez at Edijardo Bagatoro si Marcus at Miguel del Rosario, 6-4, 6-2, para sikwatin ang titulo.
Ito ang pinagsamang ika-18 korona ni Jovy Mamawal sa seniors at juniors sa NCAA sapul nang tumayong coach ng San Beda 33 taon na ang nakakaraan.
Sa iba pang seniors match, pinatumba ng San Beda ang San Sebastian, 2-1, mula sa mga panalo ni Vince Ramiscal laban kay Arjohn dela Cruz, 6-3, 6-4, at nina Andre Tuason at Whiamark Basanid kontra kina Arman Artuz at Ryan Labastida, 6-1, 7-5.
Ang panalo ng Stags ay mula kay Francis Parangan, tumalo kay Christian Alcantara, 6-2, 7-5.