Lady Spikers sinuwag ang Lady Tams bumabandera na!

Laro Sabado

(The Arena, San Juan City)

8 a.m.  FEU vs UST (M)

10 a.m.  La Salle

vs Adamson (M)

2 p.m. UST

vs Adamson (W)

4 p.m.  NU vs FEU (W)

 

MANILA, Philippines - Naisakatuparan ng La Salle Lady Spikers ang adhikaing hawakan ang liderato sa UAAP women’s volleyball bago magpalit ng taon nang malusutan ang palabang FEU Lady Tamaraws, 25-16, 21-25, 25-23, 25-22, kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Ito ang ikalimang sunod na panalo ng Lady Archers para itulak sa ikalawang puwesto ang nagdedepensang kampeon Ateneo Lady Eagles (4-0) sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa elimination sa 2014.

Si Ara Galang ay mayroong 19 hits at dalawang blocks tungo sa 22 puntos habang may pitong blocks tungo sa 17 puntos si Mika Reyes at 12 ang hatid ni Cydthealee Demecillo upang alisin ang momentum na hinawakan ng FEU nang nagwagi sa ikalawang set para ibigay sa katunggali ang ikatlong pagkatalo matapos ang limang laro.

May 22 puntos din si Bernadeth Pons para sa FEU na magkakaroon ng pagkakataong wakasan pa ang kampanya sa ngayong taon sa panalo sa Sabado kontra sa NU Lady Bulldogs. 

Sinelyuhan ng UP Lady Maroons ang ikaanim na puwesto nang kunin ang ikalawang panalo sa pamamagitan ng 25-14, 25-19, 25-16, tagumpay sa UE Lady Warriors.

Sa mga unang tagpo ng labanang lamang nakakasabay ang UE bago iwanan ng UP dahil sa husay nina Katherine Adrielle Bersola, Angeli Pauline Araneta, Nicole Anne Tiamzon at Arianne Elise Ilustre.

Si Bersola ay may 12 hits, tampok ang apat na blocks, habang sina Araneta at Tiamzon ay may 11 at 10, tampok ang pinagsamang 19 kills para bigyan ng UP ng 39-25 kalamangan.

Si Ma. Shaya Adorador ay may 10 hits mula sa kills para sa UE na natalo sa ikalimang sunod na pagkakataon.  (ATAN)

Show comments